Hindi ko alam kung bakit o paano
Na ang simulang napakaganda ay nauwi sa ganito,
Kung bakit ikaw ay nagbabago,
At trato na sa akin ay tila istorbo.
Buti pa sila ‘pag iyong kasama,
Masaya ka masigla at nakatawa
Na tila alapaap ang iyong kinalalagyan,
At hapis ay di alintana.
Ngunit bakit sa pag-uwi mo at ako na ang kasama,
Tila isa kang asong galit sa ‘di mo kakilala,
‘Di na makausap nang maayos,
Pagsagot mo pa’y lagi nang pagalit at patapos.
Dati naman malambing ka, nakakausap ka nang maayos at masaya,
Dama kong ang presensya ko ay nakakagaan, nakakatuwa
Na ang sandaling kasama mo ako ay hindi abala,
Na ang bawat yapos ko ay nakakawala ng pagod at nakakasigla.
Ngunit ngayon… Sa umaga abala ka sa pagpaplantsa,
Sa gabi ay abala ka sa iba,
Sa tanghali na nakakusap ka nang masigla sana
Ay pinutol pa at karapan ay winala.
Hindi ko na alam kung ano ang iisipin ko at paniniwalaan,
Ang nakikita ng mata ko ba at nararamdaman o ang mga salitang iyong itinuturan,
Kasi alam mo ba? Ang bibig at kilos mo ay di nagtutugma,
Iba ang iyong sinasabi sa iyong ginagawa,
Iba ang iyong sinambitla sa iyong pinaparamdam,
Na sabi ng labi mo ay okay pa pero pinapakita ng kilos mo na ako’y lumayo na.
Nalilito ako at di na alam kung paano,
Nais magtanung pero natatakot ako
Sa tinig mong mataas at pasigaw,
Daig pa ang hagupit nito sa pinaasang niloko.
Minsan di ko na din mapagtanto,
Kung alin ba sa kanila ang nagsasabi ng totoo,
Mga kataga mo bang nababanggit kapag inaantok ka na,
O mga sinasambit mo ‘pag nasa katinuan ka pa?
Alin doon ang paniniwalaan ko pa at alin doon kung sa kasinungalingan ay balot na?
Sa bawat araw inilalayo mo ba ako?
Sa bawat oras itinataboy mo ba ako?
Sa bawat minuto nasasaktan din ako,
Sa bawat segundong parang wala na lang ang lahat sa ‘yo,
Sa bawat sandaling ganito… Nadudurog ako…
Minsan nais kong sumigaw.. Nais kong magwala…
Dahil ang pag-iyak ay hindi na nakakawala ng sakit,
Hindi na nakakapawi ng pighati,
Hindi na nakakahugas ng pait.
Nais na kitang mayakap, nais kitang maramdaman….
Dahil ito ang nakakapawi sa mabigat kong pinagdadaanan…
Ang madama ka at malamang nariyan ka…
Ay sapat na para ang madilim kong mundo ay magliwanag pa.
Dahil sa ‘yo hindi ako sumusuko
Dahil sa iyo lumalaban ako
Kahit masakit na, kinakaya ko
Kasi mahal kita at alam kong kaibigan lang ako.
Gayunpaman ay nagpapasalamat ako.
Sa paglalaan mo ng oras at panahon mo.
Na noon pa man ay itinatangi ko
At pinapahalgahan ang bawat sandaling inilalaan mo.
Maari bang dapat sabihin kung ano ba ang dapat na gawin?
Nais malaman kung bakit ang lahat ay nag-iba…
Ang sagot na “hindi ko alam” ay masakit din pala,
Lalo na kung ang katanungang sinasagot nito ay tungkol sa ating dalawa.
Alam ko naman na ang lahat ay pansamantala,
Na ang lahat ng ito ay magiging alaala,
Ang hiling ko lang sana, ito lang talaga,
Na ang tamis ng mga sandaling ika’y kasama,
Ay huwag naman sanang tapusin sa pait at hinagpis pa.
Na hiling ko lang sana ay hanggang sa huli,
Ang pansamantalang ilusyong itong aking pinangarap at iyong tinupad
Ay magwakas ng matamis at masarap,
Na minsan sa buhay ko ay may ikaw,
Na nagparanas sa akin kung paano umibig nang tunay,
Na may ikaw na kumalinga at nagpasaya sa aking buhay,
Kahit pansamantala lang… Kahit panandalian lang…
Pasikat na ang araw, na tila nagbabadyang ang panaginip ay patapos na,
Mapupukaw na ang ilusyong aking binuo,
Pero pwede bang makiusap, pwede ba na sana hanggang sa dulo, ay hindi ka magbago?
Na hanggang sa dulo ay iwanan mo sana ang alaala nating matamis at buo?
Photo: VoicePoints Photography Bureau Chief Christian Jayson Narciso
WRITE A RESPONSE ARTICLE
Response article enables VoicePoints readers to respond to the article published by the author by completing the form below. Under ‘Message’ box, please ensure to include the title of the main article you are responding.
About the Author
Author's latest published articles
- Creative WritingDecember 27, 2017Hangganang Papalapit