My CPA Untold Story: Ang tamis at pait ng aking paglalakbay

Ang pagpasa ko sa CPA Licensure Board Exam ay isang mahabang paglalakbay na puno ng pagsubok patungo sa aking pangarap. Umabot ng dalawang taon, apat na magkakasunod na pagsubok ang pinagdaanan, dalawang beses na pagkabagsak, 1 conditional, at sa wakas ang tamis ng aking tagumpay.

Bago ang tamis ng tagumpay ay madaming pait ang pinatikim sa akin, simula noong kolehiyo. Una ko talaga course ‘yong BS Accountancy, pero sa kasamaang palad hindi ako nakapasok sa retention grade dahil sa mga nangyari, kaya napunta ako sa kurso na BS Accounting Technology. May mga nanghusga sa aking kakayahan ngunit ipinagpatuloy ko ang aking ikalawang kurso, BS Accountancy pagkatapos ang apat na taon. Noong ako ay nasa 5th year college (BSA) Integral days nagkaroon ako ng Bell’s Palsy, (isang sakit na kung saan hindi magalaw ang kalahating bahagi ng aking mukha) pinagbawalan ako ng aking doctor na mag-aral, ngunit dahil sa kagustuhan ko na pumasa pinilit ko na mag-take ng midterms at final exams kahit walang aral at hindi nakapapasok sa klase, kaya ang ending bumagsak ako, ito ang pinakaunang beses ko na naranasan na may grado na singko (5). Masakit isipin dahil mataas ang expectations sa akin mula sa aking pamilya sapagkat simula elementarya ay lagi akong Top Student ng aming paaralan. Pero gayunpaman tinuloy ko parin ang aking paglalakbay sa aking pangarap kahit na-late ako sa pagtatapos ng aking ikalawang kurso. Apat na taon sa BS Accounting Technology, dalawang taon sa BS Accountancy, unti na lang pang-doktor o abugado na ang taon na ibinuhos ko sa kolehiyo.

Mayo 2016, pagka-graduate ko sinubukan ko agad na mag exam kahit hindi pa sapat ang aking kaalaman. Lakas loob kong hinarap ang mga papel na may mga katanungan upang aking malaman kung hanggang saan ang aking nalalaman. Unang beses ako nabigo sa Board Exam, napaisip ako at tinanong ang nasa taas “Ano po ang pagkukulang ko, bakit po tila ang daming humahadlang sa pagiging CPA ko?”. Pumasa na halos lahat ng mga kaibigan ko pero ito ako bumagsak na naman. Oo, umiyak ako , nalungkot pero bumangon ulit ako at muling sinubukan. 

Oktubre 2016, ikalawang beses ko sinubukan ang CPA board exam, muli ako ay bumagsak. Nagtatanong ako “Lord, para po ba talaga sa akin ang pagiging CPA? Ginawa ko naman po ang lahat? Ano po pagkukulang ko? Halos every Wednesday nasa Baclaran ako,Thursday nasa St. Jude ako at Friday nasa Quiapo ako, pero po bakit po hindi pa po ako pumapasa?” Yup, I doubt God in all my failures, but then, lately I asked myself, bakit ko siya sinisisi, kung hindi ako pumasa, it’s all my fault. Ako at ako lang dapat ang sisisihin. Muntikan na akong sumuko sa aking pangarap, maraming salamat dahil may supportive akong pamilya, tinulungan nila ako at pinalakas ang aking loob. Humingi ulit ako ng tulong sa Maykapal, upang sa susunod ko na pagsubok ay gumanda na ang maging resulta.

Mayo 2017, ikatlong beses sinubukan ko ang Board exam, sa panahon na ito, nagtatrabaho na ako habang nagre-review. May kaba na sa aking dibdib, sapagkat sabi ko sa sarili ko huli na ito. Kapag hindi ako pumasa magmomove on muna ako at magpapahinga. Oo MOVE ON —madalas sa lovelife lang tayo nagmomove on pero sa lagay na ito sa pangarap na ako mag momove on. Mabigat sa loob ko pero kailangan ko na ibuhos ang best ko, dahil last chance ko na ito. The night before the judgement day, napanaginipan ko na bumagsak ulit ako pero may good news kasi di pa tapos ang laban ko..actually simula ng first take ko napapanaginipan ko lagi ‘yong magiging resulta kaya ‘yong una at pangalawa ko parang ayoko na gumising at sana hanggang panaginip na lamang ang pagkabagsak ko. Ito na, lumabas na ang resulta, hindi ko na naman nakita ‘yong pangalan ko sa mga pumasa, sabi ng ate ko, “wait lang wag ka muna mawalan ng pag-asa tignan mo muna mga condi sa school mo, baka condi ka”, so ayon nga Conditional nga ako (RFBT at Auditing). I thank God dahil parang may liwanag na dumaan sa akin, may pag asa pa ako na maging CPA—so hindi na ako nagMove on. Nag move forward na ako para sa pangarap ko simula pagkabata. Tanda ko rin ang sabi ng kuya ko, “Walang pagsubok na ibibigay ang Diyos sa’yo na hindi mo kaya. May dahilan kung bakit nararanasan mo yan ngayon”

Oktubre 2017, Huling subok, hindi ako nagsawa na umulit nang umulit nang umulit. Mapapagod, magpapahinga pero hindi ako susuko! Ayan na ang naging motto ko sa buhay. Bago ang araw ng board exam, kumatok sa kwarto ko ang tatlong kong pamangkin, noong una ayoko pansinin kasi gusto ko magfocus, pero bigla akong napaisip  na kailangan ko munang magrelax baka ayon ang kulang ko, binuksan ko ang pintuan ng aking kwarto andoon mga maliliit kong pamangkin hinalikan nila ako sabay bulong “Tita, kaya mo yan, galingan mo, nandito lang kami para sa’yo”. Imagine those words from my little nephews, ang sarap pakinggan. For the fourth and last time, the night before the judgement day, napanaginipan ko na papasa na ako. Thank you, Lord, narining mo po ang panalangin ko at ng pamilya ko, binigay mo sa akin ang matagal ko ng minimithing pangarap. Pagkagising ko hindi ako makapaniwala, may mga nagcocongrats na sa akin, akala ko nananaginip pa rin ako. Niyakap ko nang mahigpit ang aking mga magulang, mga kapatid at mga pamangkin. HIndi ako makapaniwala dahil finally CPA na ako. Nagsimba agad kami ng nanay ko para magpasalamat sa kanya, ito na ang isa sa mga the best birthday gift na natanggap ko kay Lord. Salamat po ngayon umiyak na po ako sa tuwa at galak sa aking pagkapasa.

Walang imposible talaga kapag sa Kanya mo ilinapit ang problema mo, sabayan mo ng hindi lang doble kundi triple na pagpupursige, pagtitiyaga at pagsisikap. Sa paglalakbay kong ito natutunan ko na ang buhay ay puno ng pagsubok, may mga bagay na ipararanas sa atin ng Maykapal, upang matutunan nating pagsikapan ang mga bagay na gusto natin. Hindi lahat masaya, ‘di lahat madali. May mga pait na ipatitikim sa atin, ito ang mga hamon ng buhay, nasa atin kung paano natin ito haharapin. Laging maniwala sa sarili at humingi ng gabay sa taas. Paghirapan natin ang mga pangarap natin para kapag nasa atin na iyon, mararamdaman natin nang lubusan ang tamis ng ating tagumpay.

WRITE A RESPONSE ARTICLE
Response article enables VoicePoints readers to respond to the article published by the author by completing the form below. Under ‘Message’ box, please ensure to include the title of the main article you are responding.

About the Author

Farah Jane Fabro
Farah Jane Fabro
Farah is a BS Accounting Technology and BS Accountancy graudate from the University of the East - Caloocan. She currently works at R.G. Manabat & Co. (KPMG in the Philippines) as an Audit Associate. She dreams to become an Audit Partner.