CPA Story: Paglalakbay Tungo sa Pangarap

Certified Public Accountant, isa sa mga prestihiyosong titulo hindi lamang sa Pilipinas kundi marahil sa buong mundo. Titulong tila mailap, ika nga, marami ang tinawag at sumubok pero iilan ang pinalad. Isang titulong nangangailangan ng sipag, tiyaga at matinding pananampalataya, at sa tulong ng Poong Maykapal, ang titulong “CPA” ay kaakibat na ng aking pangalan. Tulad ng iba, hindi rin naging madali ang aking lakbayin patungo sa propesyong kinabibilangan ko. Maraming dumating na pagsubok na hinamon ang aking determinasyon at ambisyon sa buhay.

Nagsimula ang aking CPA journey noong ako ay nasa 4th year highschool at namimili ng kursong kukuhanin sa kolehiyo. Sa pagpili ng kurso, maraming bagay ang aking tinimbang at pinag-isipan Nasa isip ko kung itutuloy ko ba ang aking pangarap mula pa noong bata pa na maging abogado kung saan mahabang proseso ang pag-aaral at gastusin o pumili ng kursong in-demand at may tiyansang magkaroon ng malaking sweldo para sa pamilya ko. Bilang isang panganay na anak na nabibilang sa isang pamilyang hindi mayaman ngunit hindi rin naman sobrang hikahos sa buhay, mas pinili kong tulungan ang pamilya ko at umiwas pansamantala sa mahabang gastusin sa pag-aaral. Nagdesisyon akong ipagpaliban ang abogasya at pumili ng kurso kung saan mas mapapa-aga ang pagtulong ko sa aking mga magulang. Noong panahong iyon, naging usap-usapan na ang BS Accountancy at marami sa aking mga kaeskwela ang kukuha ng nasabing kurso kaya naman agad-agad akong nagtanong. Sa aking pagsisiyasat, nalaman kong in-demand at malaki raw ang kinikita ng isang CPA kaya naman nasabi ko sa aking sarili na marahil ito na ang para sa akin. Isa pa sa nagpakumbinsi sa akin ay ang isa naming kamag-anak na isa ring CPA sapagkat mayroon na siyang kapasidad na bigyan ang kanyang mga magulang ng pagkakataong makapamasyal sa iba’t ibang lugar. Sinabi ko sa sarili ko na balang araw darating din ang panahong magagawa ng mga magulang kong mamasyal sa iba’t ibang  lugar, magawa’t mabili ang mga bagay na pilit nilang isinasantabi para sa amin ng aking kapatid.

Noong dumating ang araw ng aking pag-aaral bilang isang BS Accountancy student, agad akong nakaramdam ng takot at kaba sapagkat halos lahat ng aking kaklase ay honor students. Bigla akong napaisip na baka mali ang aking desisyon, na baka hindi ko pala kaya dahil umpisa pa lamang ay hirap na ako sa mga retention grades. Isa lamang akong ordinaryong mag-aaral kaya naman matindi ang pressure sa akin na makipagsabayan sa husay at galling ng aking mga kaklase ngunit isang pangaral mula sa aking ama, ang nagpalakas ng aking loob na hanggang sa ngayo’y dala-dala ko pa rin. Ayon sa kanya, “walang mahirap sa taong nagsisikap”, kaya naman mula noon mas dinoble ko pa ang aking sipag sa pag-aaral dahil ayaw kong ma-disappoint ang aking mga magulang. Hanggang sa dumating ang araw na nalimutan ko na ang dahilan ng aking pagkuha sa kursong ito ay ang malaking sweldo sapagkat unti-unti ko ng minahal ang Accountancy at ang pagiging CPA ay kabilang na sa mga pangarap ko. Sa paglipas ng panahon, unti-unti na din akong namulat sa mundong nais kong pasukin, na ang aking mga inakala ay marahil malayo sa katotohanan ngunit patuloy pa rin akong lumaban at kumapit sa aking pangarap. Maraming naging hadlang sa aking mga dadaanan, nariyan ang matinding tanggalan sa Accountancy, retention grades at financial problem ngunit sa tulong ng Panginoon, hindi Niya ako pinabayaan sa labang ito, kahit minsa’y naliligaw ako ng landas at nasasaktan Siya, nararamdaman ko pa rin ang pagmamahal Niya para sa akin.

Noong mga panahong nagrereview ako para sa board exams, sari-saring takot ang nararamdaman ko dahil ito ang aking unang pagkakataong subukan ang kapalaran ko sa examinasyong ito. Ang dami kong “what if”, what if mahirap ang exam, what if di ko pala kaya, what if hindi pala ito para sa akin, what if bumagsak ako, what if masaktan ko ang magulang ko. Ang daming sumasagi sa isipan ko ngunit mabuti na lamang ay nabiyayaan ako ng pamilyang walang kupas ang suporta at tiwala sa akin. Kapag nahihirapan ako sa pagrereview at pag-iisa sa Maynila, saglit akong umuuwi sa Cavite para makita lamang ang pamilya ko upang humugot ng lakas at ipaalala sa aking sarili ang dahilan ng labang ito.

Ilang linggo bago ang mga pagsusulit, halos every weekend akong dinadalaw ng aking mga magulang sa Maynila upang dalhan ng pagkain at sama-samang magsimba. Ipinadama nila sa akin ang pagmamahal at suporta sa mga panahong kailangang-kailangan ko kaya naman buong tapang kong hinarap ang board exams. Habang naghihintay ng resulta ng eksaminasyon ay bigla namang nanghina ang aking lola dala ng kanyang sakit na itinago ng mga magulang at pinsan ko sa akin upang makapag-focus ako sa review at sa boards. Agad na akong umuwi sa Cavite noon upang maabutan ko pa siya, lagi ko sa kanyang sinasabi na huwag muna siyang bibitiw kasi magkasama naming hihintayin ang resulta ng board exam at ang lagi niyang tugon sa akin ay “papasa ka dahil iyon ang panalangin ko”. Durog na durog ang puso ko sapagkat sa kabila ng kanyang kalagayan ay kami pa din ang laman ng kanyang mga panalangin. Nang dahil dito mas ninais kong maging CPA di laman para sa akin kundi para sa magulang ko at sa ikalalakas ng lola ko.

Natutunan kong ipaubaya sa Panginoon ang lahat-lahat. May 29, 2017, araw ng paglabas ng resulta, halos araw-araw akong tumitingin sa internet, di ko maipaliwanag ang aking nararamdaman at sa oras na hindi ko inaasahan, nakatanggap ako ng isang text message mula sa isang kaibigan kaya naman dali-dali akong nag-check sa internet at nakita ko ang aking pangalan sa listahan ng mga pinalad na makapasa. Sa wakas, CPA na ako. Walang paglagayan ng tuwa’t saya ang lahat ng tao sa bahay lalo na ang aking mga magulang. Matapos kong maibalita sa aking lola ang aking pagkapasa ay unti-unting bumuti ang kalagayan niya.

Maraming nangyari at naging balakid sa pagkuha ko ng titulong Certified Public Accountant. Maraming beses akong nadapa at nasugatan sa lakbaying ito ngunit sa tulong ng Panginoon muli akong bumangon at lumaban. Ang kaba at takot ay kaakibat na ng mga desisyon natin sa buhay at isa na rito ang pagkuha ng CPA board exams, nasa bawat isa na sa atin kung paanong gagawing positibo ang mga bagay-bagay, kung paanong ang mga kaba’t pangamba ay maging inspirasyon upang labanan ang kinatatakutan. Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin akong nangangarap na maibigay ang pangarap na buhay para sa pamilya ko. Batid ko na sa totoong buhay ay mas malalaki at mabibigat ang mga pagsubok ngunit hindi ako titigil sa pangangarap dahil alam kong kasama ko ang Panginoon at magtatagumpay ako sa paraang nais Niya.

WRITE A RESPONSE ARTICLE
Response article enables VoicePoints readers to respond to the article published by the author by completing the form below. Under ‘Message’ box, please ensure to include the title of the main article you are responding.

About the Author

Erika Mae Incoy
Erika Mae Incoy
Erika is a Certified Public Accountant. She launched her career as an external auditor at KPMG in the Philippines.