CPA Story: Jumbo Hotdog, kakayanin ko ba ‘to?

Pumasok ako sa PLM na FundAcc ang aking nadatnan. Bagamat hindi ko alam kung ano yan, iyan ang kursong ginusto ng mga magulang ko sa Pamantasan. Unang beses ko pa lang na masilayan yan, nasabi ko na sa sarili ko na “Para sa’kin ba ‘yan?

First year of college, sobrang wow. Karamihan sa mga kaklase ko’y puro valedictorian mukhang ako lang ang sabaw. Mga science high school na pinagmulan nila, ako kaya’y may ibubuga? Di hamak na mas magaling talaga sila kumpara sa katulad kong nag aaral lang noon para pumasa.

Sobrang hirap na hirap ako kung para san ang accounting. Bukod sa katolikong pari na si Luca Pacioli ang nag imbento nito, naghahanap ako ng iba pang masisisi kung bakit lumaganap ito. Nakaka liit sa pakiramdam na naiintindihan ng mga kaklase mo na nakaranas ng accounting noong high school sila ang mga asignatura samantalan ako’y walang ideya.  Isa ako sa mga slow learner sa klase. Slow ako pero ang mahalaga ay umaabante.

Na-survive ko ang first year na masaya dahil ako ang lowest sa mga nakapasa sa removal exam. Tama totoo, 60% ang passing score pero naka 61% ako. Dalawa na lang talsik na no? Sobrang proud ako dahil kahit wala akong ideya kung ano ang pinasok ko, makaka second year na ako. Na-inlove pala ako sa isang babae nung first year. Kasama ko siya sa PLM Chorale at masakit isipin na hindi ko siya pinursue alang-alang sa pagpasa ko nung first year. Naiisip ko minsan kung niligawan ko sya, CPA kaya ako ngayon? Malamang hindi, baka may anak na ako. Hahahahahaha. Well kidding aside, sobrang recurring ng mga pasakit at patindi ng patindi ang hirap from 2nd year to 5th year. Solman dito, solman doon. Nabuhay ako sa pangongopya at asa sa katabi. Nag-aaral ako kaso bagsak pa din talaga kapag hindi ako nangongopya. Alam ko, napakarami kong pagkukulang bilang estudyante. Napaka slow ko at isa sa mga pinakamahina sa klase. Nagtapos ako ng Accountancy na punong-puno ng duda. Bukod sa mga propesor na hindi nagtuturo, sarili ko ang pinaka sinisisi ko kung bakit ako nagtapos ng kulang-kulang ang nalalaman sa propesyon. Nag-aaral pero kulang; nagdadasal pero nandadaya; nagtitiwala pero nagdududa, nung college ay ganyan ako ako. Dumating ang 3rd year, mga kaklase kong valedictorian at salutatorian ay natanggal na, ako na normal lang at slow ay nandito pa. Napapatanong talaga ako kung para sakin ba talaga?

Tama, nagtapos ako ng wala pa yata sa 20% ang mga dapat kong malaman para matawag na isang CPA. Kultura na sa PLM na okay lang magtapos ng walang alam, basta bumawi ka sa review. Ayan ang ginawa ko. May 22, 2018, pumasok ako sa Review School of Accountancy (ReSA) na punong-puno ng tiwala, kumpyansa at pangarap. Totoo na nangarap ako na sana ako ay mag-top para kung kulangin man ang effort ko ay pumasa pa rin. Sobrang dyahe ng review, yung limang taon na dapat na inaaral ko at inalam ay ipagsisiksikan ko lang sa utak ko ng limang buwan. May times na lahat ng session ay ina-attendan ko para lang mapunan ang mga hindi ko alam.  Walang hingahan talaga nung nagre-review na. May mga araw na ligo, pagkain at tulog lang ang pahinga. Parami nang parami ang dapat basahin pero palapit nang palapit ang araw ng pagsusulit. Nakaka-drain bilang tao. Sobrang dami kong hindi alam at na- missed na get together with friends, family reunion at series na pinapanood. Ang sabi ko sa sarili ko, ito ang kabayaran ng lahat ng katamaran ko noong kolehiyo. Buti na lang nandiyan ang mga kaibigan, ka-dorm at kapamilya na kasama ko sa paglalakbay patungo sa lisensya.

Dumaan ang first pre-board at napakasaya ko. Hindi ko inakala na sa kabila ng pagiging underdog ko noong kolehiyo ay may ibubuga pala kapag nagseryoso. Unang beses ko mag exam noon nang hindi nangongopya. Dahil sa board preparation, naging gabay ko ang mga pangarap ko, natutunan kong maniwala sa sarili ko, at natutunan kong magdasal nang sobra-sobra. Apat na beses ako kada linggo nasa simbahan, sinasambit ang mga dasal na tinuro ni mama, sinisindihan ang mga kandila  at patuloy na naniniwala na kaya ko pala talaga. Sa araw-araw na nagdaan, punong-puno ng pagdududa sa pagmulat pa lang ng mata. Isang giyera ng pagtitiwala at pagdududa sa sarili ang laman ng utak ko. Madalas ako umiyak sa mga simbahan na pinupuntahan ko, patuloy na kumakalampag sa langit na sana wag ako magsawa at kayanin ko. Sa mga araw na pinanghihinaan ako ng loob, iniisip ko ang mga taong pinag-aalayan ko nito – at iyon ang aking sikreto.

Dumating ang October 2017,  handouts ko’y hindi ko natapos. Pero alam ko sa sarili ko, mas madami akong alam kumpara sa dating ako kaya itutuloy ko ‘to. Oras ang pinaka kalaban sa board exam, iyan  ang totoo. Bawat shade ay nagdadasal na sana pagbigyan ako ng langit sa aking hiling. Lumabas ang resulta nung November 2, 2017. Patuloy na nag iiscroll habang hawak ang aking rosaryo. Mas nakakanginig dahil sobrang dami nakapasang Aquino… Pero wala ang pangalan ko. Sa totoo lang, hindi ako nalungkot kasi hindi din nakapasa ang mga kaibigan at ka dorm ko. Hahahhaha. Inisip ko na lang, nasa majority ako ng mundo. Lumipas ang ilang mga araw, Conditional pala ako. 62% sa Tax, 74% naman sa Afar. Sobrang sama ng loob dahil Tax ang paborito ko pero yun pala ang dahilan nang hindi ko pagpasa. Nagpasalamat ako sa Diyos at sinabi ko na “Lord, kulang pa ang effort ko.

Pinagsabay ko ang pagta-trabaho as accounting assistant habang nagre-review sa dalawang natitirang subject. Gaya ng dati, puno pa rin ng pagdadasal, tiwala at mas sinipagan ko na. Ang laking pressure para sa mga condi ang board kasi mas mataas ang expectation na hindi ka babagsak. Lumabas ang resulta noong May 28, 2018. Gaya ng dati, nagi-scroll ako habang mahigpit na hawak ang santo rosaryo na may halong nginig. Nakita ko ang pangalan na “Aquino, Joshua Sison”. Akala ko hindi ako nakapasa dahil  hindi ko ‘to pangalan. Kapangalan ko lang pala yan dahil nakapasa din pala ako. “190. Aquino, John Joshua Sagun”

Ang tatlong mga mahalagang payo ko lang na maibibigay ay wag na wag kang aayaw, magtiwala ka sa alam mo at aminin mo na hindi mo kaya kung wala ang Diyos. Maraming mas matalino sa ’kin sa kolehiyo na hindi nakapasa pero nakaya ko. Kaya lubos kong inaalay ‘tong artikulo na ito para sa mga average na estudyanteng kagaya ko at para sa mga taong nagdududa sa kakayahan nila. Naniniwala ako na tayong mga average student ay mas matatatag dahil naranasan na natin ang parehas na pagkatalo at panalo. Para sa akin, ang pagiging CPA ay hindi para sa mga matatalino, para ito sa mga taong naniniwala na kaya nila.

Hanggang dito na lamang at hangad ko ang tagumpay ng taong makakabasa nito.

“Therefore I tell you, whatever you ask for in prayer, believe that you have received it, and IT WILL BE YOURS” – Mark 11:24

WRITE A RESPONSE ARTICLE
Response article enables VoicePoints readers to respond to the article published by the author by completing the form below. Under ‘Message’ box, please ensure to include the title of the main article you are responding.

About the Author

John Joshua Aquino
John Joshua Aquino
Dream Catcher, Ketchup Lover, Aspiring Traveler